
(L-R) Ms. Dona Lyn Piamonte, Kalihim; Dr. Queenie Ridulme, Presidente ng AUPAEU-UPOU Chapter; at Asst. Prof. Regine Karla Bagalanon, Bise Presidente para sa Kaguruan
Nakilahok ang ilang miyembro ng UP Open University (UPOU) All UP Academic Employees Union (AUPAEU) sa Pulong Ng Pambansang Konseho na ginanap noong 9-13 Abril 2025 sa Unibersidad ng Pilipinas-Mindanao sa Davao City.
Ang pagtitipon na may temang “Isulong Ang Kabag-Uhan: Unahon Ang Unibersidad Ug Katawhan” ay pinangungunahan ni UP Faculty Regent Hon. Early Sol Gadong. Dumalo mula sa UPOU sina Dr. Queenie Ridulme, Presidente ng AUPAEU-UPOU Chapter, Asst. Prof. Regine Karla Bagalanon, Bise Presidente para sa Kaguruan; at Ms. Dona Lyn Piamonte, Kalihim. Dumalo din ang iba pang miyembro ng AUPAEU mula sa iba’t ibang Constituent Units ng unibersidad.
Nilayon ng pulong na pag-usapan ang kasalukuyang kalagayan ng iba’t ibang balangay at ng buong organisasyon, suriin ang estado ng bansa at ng unibersidad, at higit sa lahat, maglatag ng mga resolusyon at plano para sa pagpapalakas ng makabayang unyonismo.
Itinuturing ang Pulong Ng Pambansang Konseho bilang isang mahalagang plataporma para sa pagkakaisa at pagpaplano ng mga hakbang tungo sa mas matatag at makabayang unyonismo. Ang mga layuning itinakda ay nagpapakita ng dedikasyon ng organisasyon na hindi lamang isulong ang kapakanan ng unibersidad kundi pati na rin ang mas malawakang interes ng sambayanan. Ang mga pagbabahaginan, talakayan, at pagpaplano sa loob ng limang araw na pagtitipon ay inaasahang magbubunga ng mga kongkretong hakbang tungo sa pagkamit ng kanilang mga adhikain.
Written by Ruth Rodriguez ♦ Edited by Primo Garcia and Anna Cañas-Llamas ♦ Photo submitted by AUPAEU-UPOU